Dami kong tanong. Recently kasi, ang hilig kong manood ng mga Manila vlogs. Yung mga podcasts na pinapakinggan ko, gusto ko as much as possible Tagalog. Aliw na aliw rin akong manood ng Pinoy movies ngayon (kakatapos ko lang panoorin kagabi yung movie ni Regine Velasquez at Robin Padilla: Kailangan Ko’y Ikaw). Basta para bang uhaw na uhaw ako sa anything Pinoy. Ito ang mga tanong ko:
Mas magiging masaya kaya ako ay sa Pilipinas? Sign ba ‘to? Hindi ba dapat mas ibigay ko yung interes ko kung nasan ako? Para bang ang daya ko sa lugar kung san ako nakatira ngayon, kasi andito ako sa Calgary, pero yung utak ko nasa malayo.
O baka, since winter ngayon at hindi kami masyadong lumalabas, nagke-crave ako sa kung anong nagbibigay sakin ng comfort? Nagwo-worry lang siguro ako kung tama ba ‘tong pinili ko (ang mag-migrate sa Canada), o normal na parte lang ‘to ng winter blues and this is all temporary?

Bigla kong naalala yung isang lumang kanta na paborito ko:
Dito ba? O, dito ba?
Dito Ba? by Kuh Ledesma
Ang dapat kong kalagyan
Dito ba ang daigdig ko ngayon?
Bakit ibang-iba sa daigdig ko noon?
Dito ba ang sulok kong takda
Sa ilalim ng araw?
Minsan kasi, kapag nasa gitna ako at pinapalibutan ng thoughts ko, especially pag yung thoughts ay may pagka-intense tulad ngayon, nahihirapan akong i-distansya ang sarili ko. Pero buti na lang mahilig akong magsulat. It’s as if the writing disarms the strong emotions. Kahit papano, nakakawala ako sa kung ano mang kumokonsumo sakin at tinutulungan akong mas palawakin ang pananaw. Pag di ko sinusulat, para akong nilalamon unti-unti.

Kanina sabi ko ang dami kong tanong, pero ngayon na-realize ko na baka nga temporary lang ‘to. Kasi kung nasa Pilipinas ako at sobrang init naman, natural mapapa-daydream din ako na sana nasa Japan ako, o kaya Canada. Tapos pag maaliwalas na ulit ang panahon, okay na ko ulit. Kailangan kong tandaan na hindi every time nami-miss ko ang Pilipinas, ibig sabihin kailangan na naming bumalik for good.
Pero dahil malayo nga ako sa Pilipinas, at matagal pa ulit bago ako makauwi, syempre ang sarap ilapit yung sarili ko sa ating motherland sa paraang posible para sakin. Ngayong puro snow ang nakikita ko sa labas, maginaw at nakakapanlambot, what gives my spirit comfort and warmth is currently this: mag-consume ng Tagalog media at ma-expose sa culture at humor na mas pamilyar. Ito ang kailangan ko ngayon. Normal lang ‘to. I shouldn’t overthink this.














