Nakatulugan ko yung pagluluto ng adobo. Akala ni Kenneth tapos na yung adobo so nilagay na nya sa ref. Ni hindi ko pa man lang natitikman anong lasa. Sabado ng umaga ngayon tapos Thursday ng gabi ko sya niluto. Hindi pa namin nakakain. Buti adobo.
Medyo mabigat yung loob ko ngayon kasi may napanood akong morbid na docu series sa Netflix. Putangina talaga yun. Nakakabadtrip si Nick kung maka-recommend alam naman nyang magiging sensitive sakin yung palabas na yun. Bastos. Kase exagg na ngayon yung fascination ng mga tao sa mga serial killers. Super bini-binge nila sa Netflix yung mga ganun, tapos may podcasts na din about dun. Hindi ko kaya kasi empath nga ako. Kaya naiinis ako kay Kenneth pag nanonood ng mga ganun kasi pano ka nagiging okay after manood ng mga ganun. Ako kasi hindi ko maalis agad sa isip ko sobrang nakakadisturb yung mga pinaggagawa nila. Tapos naimagine ko yung mga victims. Ugh.
Pero may napulot ako dun sa pinanood ko na yun. Yung particular na murderer na yun, bullying yung parang naging root cause talaga. Si Ted Bundy din ang alam ko nabully eh. Hindi kasi ako nagp-pay attention nung pinapanood ni Kenneth so di ko sure. And may extreme narcissistic behavior sila. And dito yung nagiging isa sa mga problema. Nagffeed sila sa attention na binibigay ng mga tao.
Kaya yung mga tao na akala nila harmless lang yung fascination nila sa mga glorified serial killers, kasi iniisip nila out of curiosity lang naman, gusto lang nilang malaman pano nakaka-get away tong mga to sa simula, and yung iba nabibilib kung gano katalino or pano nila natatakasan yung mga evil ways nila. Akala nila wala silang ginagawang negative pero in some ways kase, eto kasi yung gusto ng killers. Na i-focus sa kanila yung attention ng mga tao kasi narcissists nga sila. So katulad ngayon na nabibigyan sila ng lime light, gustong gusto yun ng mga aspiring serial killers. For sure somewhere out there nagpa-plano na sila pano sila magkaka docu series sa Netflix. Pagalingan na sila nyan para mapansin sila. Oo maganda din naman maging aware ang mga tao kung ano yung nagiging origin or pano sila naging ganun para ma-prevent in a way. Kaso ang exaggerated na lang talaga ngayon kasi ang dami na, sobra, kasi alam nilang bumebenta eh. For me hindi na healthy yung amount.
Kaya yun din yung message nung docu series na yun nung huli. Think before you share. Kasi pag nag-viral sila, accomplishment sa kanila yun. Pero may other side din na pag hindi naman sila mapansin, baka gumawa sila ng mas extreme na bagay para mapansin sila. Ang hirap. Siguro ayusin na lang yung docu series na wag masyadong i-glorify kung gano sila ka-scheming and devious. Kasi dito sa pinanood ko may nagsabi na ang “brilliant” daw nung killer. I-leave out na lang nila yung mga ganung comments. Mas ipakita na lang nila kung gano ka-pathetic and ka-loser tong mga demonyo na to.
Yung iba kasing tao, sobrang nabibilib and naa-amaze sa kanila. Siguro ang dali lang sa kanila na maging ganun kasi hindi nila kakilala yung victim, hindi nila kamaganak or kaibigan. Ang key takeaway nila after manood is, “Ang clever naman nung killer!”, tapos nalilimutan na nila yung victims. Kaya stop na. Wag na natin masyadong tangkilikin yung mga ganyan. Hindi na cool.
More than a year here in Canada and this conversation still sounds so absurd to me.
AT THE BUS STOP
LOLO: Next week will be warm. Just minus two, minus six (degrees Celsius).
LOLA: Yeah that’s nice.
Diba. Kelan pa naging warm and negative 6 degrees? Satin nga sa Pinas yung 24 nilalamig na ko. Pero kahit ang weird pakinggan, super nag-agree ako kay lolo. Kase nung mga nakaraang araw, -30 degrees. Grabeng lamig. So kung ang forecast next week ay -2 or -6, ang saya. Maakit pala si Kenneth lumabas non.
Ang dami kong naiisip sa bus na gusto kong ikwento sa future self ko pero inaantok na ko ngayon. Makaidlip muna at hindi pa ko pwedeng makatulog nagluluto pa kong adobo.
Crush na crush ko si Daniel Padilla so syempre pinanood ko yung uncut interview nya sa TWBA. Buti tinapos ko kahit ang haba kase ang ganda nung usapan sa huli.
TITO B: Ang natututunan ko, minsan, yung hindi natin alam, excites us.
D: You have to control your fear. Mahirap pag nagpakain ka sa takot. Parang nagpapakain ka na sa dilim. Hindi pwede. Kelangan mo syang i-convert into excitement. Ako kase nilalabanan ko yun. Minsan may mga bagay kang pagsisisihan kase natakot ka eh. So mas magandang talunin mo na. Nag-fail man ako, pero buti ginawa ko.
O diba. Haha. Super helpful kasi nito sakin kasi over thinker ako. Ang OA na minsan. So thank you sa advice ng aking crush haha.
Wala kaming pasok ngayon ni Kenneth pero ang busy ng araw na to.
Nagpacheckup ako and diniscuss kung anong nangyari dun sa surgery ko nung November 8. Ayos naman daw, mukang natanggal naman ang dapat matanggal. Plus Letrozole. Plus may binayaran kaming $650 (Php 26k) na IVF registration fee. Wala lang yun as in registration lang. Naka-lista lang pangalan mo. Napaka-mahal eh. Non-refundable pa.
Pumunta kami sa mall (Polo Park) at namili pa ko ng extra pasalubong. Grabe wala na talaga kaming pera. As in pa-negative na. Hindi ko matiis na hindi bumili kahit wala na talaga kaming budget. Hays.
Snowflakes ๐
Pumunta kami sa isa pang mall (Winnipeg Outlet). Again, pasalubong. Tapos binalik namin yung mugs na binili namin last week. Haha. Ganito kasi yun. May Christmas party sa Dec 25 yung mga Filipino community dito ng mga tito ko. It comprises of mga 8-10 families. Sabi ng tito ko, magbigay daw kami ng something sa bawat pamilya kase ganun daw sila. So kahit alam ko sa utak ko na paubos na nga yung pera namin, na-pressure ako. So nung may nakita kaming mga naka-sale na mugs na $9 (Php 360) each, yun na yung naisip kong ipang regalo sa mga pami-pamilya. So times mo sa 8, $72 din yun! Mug sya na may parang nakabalot na crochet dun sa pinakang body tapos may box of hot chocolate sa ibabaw. Basta ganun, hindi sya basta basta mug. So ayun nga. Binalik namin. Haha. Wala na kong pake kung anong sabihin ng tito ko o nila na wala kaming regalo. Na-pressure and nahiya lang talaga ko nung una. Kasi ang thinking ko kahit noon pa, bakit ka magreregalo kung alam mo namang wala kang budget. Siguro ayaw kong masabihan na kuripot ako kahit totoo namang wala lang talaga kaming extra na pera. Feeling mo kasi na hindi ka papaniwalaan. And totoong kuripot ako pag wala akong pera pero pag meron ang generous ko. Eh ang problema, nagpapaka-generous ako ngayon kahit wala na nga kaming pera. So kelangan kong pigilan ang sarili ko. Kelangan magpaka-practical. Sabi ko nga kay Kenneth, wag na kong regaluhan sa birthday ko. Kahit nasweet-an ako, medyo nainis ako na may binili pa ding regalo. Sumasakit talaga ulo kakaisip ng bayarin namin sa credit card. Umabot na sya ng $1,700 (almost Php 70k) eh uuwi pa kami ng Pilipinas next year. Hays. Hindi kasi ako sanay na may utang kaya hindi ako mapakali. Eto nagsisimula na namang sumakit. Tapos pa, meron akong need na mag-explain sa kanila (sa pamilya ko) na wala akong masyadong pampasalubong. Pwede bang matic na na maisip nila na kaya konti ang pasalubong ko is dahil kulang ang budget namin hindi dahil nagkukuripot ako? Pwede bang yun yung maisip nila? Nasstress talaga ako. Para bang sobrang kelangan kong i-defend yung sarili ko at mag-explain ng todo para mapapaniwala sila. Lalo pa nung sinabihan ako ng tita ko na, “Ang dami nyo na sigurong ipon pampasalubong.” Kahit ba sabihin na pabiro lang yun, nakakadagdag sya sa pressure. Pag sinabi mong, “Wala nga ang daming bayarin.” feeling mo hindi ka pinapaniwalaan. Pano kaya namin babayaran yung $1,700 na yun. Hays.
ย Ganun pa man, masaya pa din in general ang araw na to. For some reason, super okay ang bonding namin ni Kenneth ngayon. Na-feel ko ulit na super love na love namin ang isa’t isa tapos tawanan lang kami. 8 years na kasi kaming magkasama so hindi mo makakaila na nag-fade na yung super kilig moments. Pero ngayon bumalik ng konti. Nakatulong din siguro yung pagkain kasi ang sarap nung mga inorder namin. Hehe. Since ang mahal nung bill namin, sabi ko yun na yung birthday celeb ko kahit 2 days to go pa bago ako mag-birthday.
Sayang saya sya sa steak nya
After nitong mga to, pagod na kami. Lalo na ko kasi naka-upo lang naman sya tapos ako yung nag-iikot paghahanap ng pasalubong. Paguwi namin ang sakit pa din ng ulo ko so nagpamasahe ako kay Kenneth. Nakatulog ako agad haha. Di na kami nakapag-record ni Nick ng Ketchup Pepisode. Yun talaga ang pinaka-stress reliever ko pag minamasahe ni Kenneth yung ulo ko.
Nagising ako ng mga past 12 midnight tapos gising pa din sya. Nanonood sya ng video ng nagluluto ng chicken. Tapos tinatawanan namin si tita kasi nakakatawa yung mga side comments nya habang nagluluto sya. Ayun masaya pa din hanggang sa pagtulog. Sana laging ganito para naman hindi miserable yung buhay namin dito sa Canada. Exaggerated lang yung miserable pero talagang mas masaya kasi sa Pinas.
Nung elementary ako (specifically nung grade 5 and 6) ang wish ko lang ay:
Maging kasing cool ni Jolina Magdangal
Sobrang idol ko non si Jolina ginagaya ko yung hairstyle at fashion nya.
Palaguin ang stationery collection ko
Sobrang uso noon samin ang mga stationery. Pagandahan ng stationery tapos susulatan mo yung mga kaibigan mo. Kahit noon ang hilig ko na talaga sa mga paper goods. Kaya nung nadiscover ko yung Papemelroti ang saya saya ko.
Magka-menstruation
Inis na inis ako non. Kelan ba ko magkaka-menstruation?! Yung mga kaklase ko meron na. Kumbaga sa millennials ngayon: major fomo. Haha. Cool ka pag nagka-period ka na. Eh wala late bloomer ako. First year highschool na ata ako nagkaron.
Gusto ko lang laging tumambay sa bahay ng bestfriend ko na si May at magkwentuhan tungkol sa mga crush namin sa school at mga crush naming boyband
Ang crush ko noon si Justin Timberlake at si Ben ng A1. Ayoko pang maging highschool nung mga time na yun kasi magkakahiwalay kami ng bestfriend ko. Sa ibang school kasi sya papasok. Pag nagtatanungan kaming mga classmates kung saan papasok ng highschool, iba ibang school yung sinasabi nila. Hindi dun sa school na papasukan ko. So pagdating ng highschool wala akong kakilala.
HIGHSCHOOL
Nung highschool ako, ang wish ko lang ay:
Tanggalin yung curfew ko at payagan akong mag-inom ng mga magulang ko
Gusto kong tumambay kasama ang barkada ko na hindi ako kukulitin ng Mama na umuwi na. Gusto ko ng madaming adventures nung highschool kaso nga, lagi akong papauwiin ng maaga.
Bukod sa pagtambay with friends, ang gusto ko lang non ay mabili ko yung mga gusto kong libro sa National Book Store
May time na since wala akong pambili, tatambay ako sa NBS tapos dun ko babasahin yung libro. Kaso hindi ko naman yun matatapos so nabibitin ako pagbabasa.
So may internal monologue na nangyayari sa isip ko, “Pag ako may trabaho na, bibilhin ko to, at ito, at ito. Lahat ng librong gusto ko.” Fast forward na may trabaho na ako at hindi pa uso ang e-books, ang kuripot ko pa din bumili ng libro. So sa Booksale ako madalas pumupunta.
JackpotHahaha
Gustong gusto kong magka digital camera
Kaya nung niregaluhan ako ng tito ko na nasa UK ng pambili ng digi cam, tuwang tuwa ako. Mahilig kasi akong magpicture ng kahit ano. Yung patay na butiki sa tagiliran ng SM, yung mga kinakalawang na barbwire dun sa damuhan ng isang subdivision, scotch tape, mga sinampay, every single inuman documented, tapos syempre sarili ko. Ang emo ko pa naman dati so very dramatic yung mga shots ko.
Ngayon hindi na ko ganun kahilig magpicture ng very random na mga bagay. Namiss ko yung old self ko na yun. Ngayon parang laging Instagrammable dapat. Kaya siguro ang hilig kong mag-reminisce. Naaalala ko yung mga traits ko noon na gusto kong ibalik at gusto kong dalhin hanggang pagtanda ko.
My 1st digital camera. Wala pang IG ng panahon na to pero may pa-flat lay tayo.The patay na butiki sa tagiliran ng SM. Not a joke.How poetic ๐
Gusto kong maging rockstar
No explanation needed.
Kilig ako dito kasi nameet ko yung crush ko na bassist ng Hilera
COLLEGE
Nung college ako, ang wish ko lang ay ganun din:
Tanggalin yung curfew ko at payagan akong mag-inom at umuwi ng madaling araw
Inggit na inggit ako sa mga kaklase ko na pinapayagan silang uminom at abutin ng madaling araw paguwi. Sinasabihan ako ng mga kaibigan ko na ang tanda ko na daw, bakit hindi pa din ako pinapayagan uminom? Asa pa naman na payagan ako. So lagi na lang sikreto.
Inuman sa gutter while stargazing
Magpabutas sa kilay katulad nung kay Amy Lee ng Evanescence
Hindi ko to nagawa. Gawin ko kaya ngayon?
Ang isa pa pala, gusto kong payagan na akong magboyfriend
Ayaw naman ng Papa. Tandang tanda ko yung laging dialogue ng Papa na, “Pagka graduate mo, pagbabang pagbaba mo ng stage, kahit mag-asawa ka na agad.” Basta wag lang daw habang nagaaral. So ayun, lagi ulit sikreto.
Pero kahit naman bawal uminom, bawal abutin ng madaling araw at bawal magboyfriend, ginawa ko pa din yun lahat. Kaya sobrang sakit ng ulo nila sakin. As in sobra. Dalwang beses akong lumayas sa bahay. Yung isa pala ako na yung pinalayas.
Okay ang grades ko sa school, naging scholar pa nga ako at one point. Yun ang pang-bargain ko sa kanila. Pero pag inabutan ako ng galit ng Papa ko, sasabihin sakin na, “Hindi ko kailangan ng matalinong anak! Ang gusto ko ay sumusunod!”
Magkaron ng sariling piano
Yung piano kasi nasa bahay ng lola ko. Pwede naman akong magpractice dun kaso, yung pinsan ko na baby pa at that time, naiistorbo ang pagtulog pag nagpa-piano ako. So pagsasabihan ako ng tita ko na hinaan ang pagtugtog. Ang hirap naman ng ganun. So medyo nawalan na ko ng gana.
Internal monologue: “Pag ako nagkabahay, bibili ako ng piano. Hindi pwedeng walang piano.”
Mas dumami yung wish ko nung college. Wish ko din non na tumira ako sa Maynila.
Lagi akong nagd-daydream na makatira ako sa Maynila. Tapos naiimagine ko na ang ganda ng kwarto ko, hindi makalat. Tapos nakaupo ako sa may bintana habang nagbabasa ng libro or nanonood ng tv series tapos umuulan sa labas. Sobrang comforting nung thought na yun sakin. Parang hot chocolate na may mini marshmallows. Mahilig din kasi akong magbasa ng teen magazine non. Dun ko napipicture yung Manila life kasi nakikita ko dun yung mga featured nilang hangout spots, mga restaurants na wala sa probinsya namin, mga magagandang malls, etc. Parang ang saya sayang tumira sa Manila based dun sa mga magazines na yun.
Internal monologue ko nung college: “Gusto ko nang magsolo sa bahay. Yung walang magsasabi sakin kung anong oras ako dapat umuwi. Yung hindi puro na lang bawal lahat. Pag yun na-achieve ko, sobrang saya ko na. Parang wala na kong hihilingin pa.”
My old room
Fast forward na nakatira na ko sa Maynila, na-experience ko na yung mga hangout spots. Natikman ko na yung cookie sa Brother’s Burger na based dun sa teen magazine na nabasa ko, the best cookie daw. Ginupit ko pa yun dun sa magazine tapos dinikit ko sa dingding ng kwarto ko. Na-experience ko nang mag-solo sa apartment habang nagbabasa at umuulan sa labas. Ang sarap talaga. Hanggang ngayon isa pa din yun sa mga favorite kong mangyare. Pero hindi totoo yung, “Wala na kong hihilingin pa.” Ang babaw lang talaga ng mga gusto ko noon.
Spot the cookie article
AFTER COLLEGE
Nung nagtatrabaho na ko (sa Pilipinas muna), ang wish ko lang ay:
Mabili yung mga gadgets na gusto kong bilhin
Gusto ko nung bagong iPhone, iPad, Macbook Pro. Gusto ko nung Fuji na mirrorless camera.
As of now, meron na ako ng mga ito kaya masaya naman ako. Pero yung saya or yung high, ang bilis lang. Since na-fulfill ko na yung karamihan sa wishlist ko, parang nababawasan na yung spark or yung spice sa buhay. Basta yung parang something na meron kang dine-desire at looking forward ka dun sa araw na mangyayari yun. Pag nawala yun, parang ang meaningless ng buhay. Kailangan ko ng panibagong wishlist and not necessarily materyal na bagay. Dadamihan ko pa para mas masaya.
Internal monologue: “Parang ang hirap maging billionaire katulad ni Kylie Jenner. Kasi pag dumating sa point na madali na lang sakin bumili ng kahit anong gusto ko, parang ang boring na. Kaya tamang millionaire na lang. ASA.”
Magsugal everyday
Mga nanghihingi ng balato ๐คฃ Hindi pa kami ni Kenneth dito haha.
Sobrang adik ko sa Texas Hold’em at pusoy dati. Nung nasa Maynila na, level up na. Casino na. Nagkaron pa ng time na pumupunta ko sa casino mag-isa. Buti ngayon tapos na yung phase ko na yun.
Ma-try yung mga restaurants na magaganda ang reviews
Nagkaron ng time na every week kami sa Ramen Nagi. Sobrang dami naming nakainan na masasarap. Di ko na ma-mention lahat basta ang dami at ang sarap. Ang daming choices. Nakaka-miss kumain ng masarap.
Makapag-travel every year sa iba ibang lugar
Ang saya na na-experience ko ang Japan, Singapore, Korea, Taiwan at Hong Kong + Macau. Hindi ganun kalaki ang sweldo namin sa Pilipinas pero nakakaipon at nakakatravel kami. Pero ngayong nasa Canada na at lumaki-laki na ang sweldo, anyare?
Ma-approve yung application namin sa Canada
Internal monologue: “Pag ako nakatira na sa Canada, hindi siguro ako mabobore dun. Ang dami sigurong pwedeng mapuntahan tapos ang sasarap ng pagkain. Mabibili ko na siguro lahat ng gusto kong bilhin tapos ibibili ko ang Mama nung branded na bag na gusto nya tapos ang Papa ibibili ko ng iPad. Makaka-travel kami kung san namin gusto. Tapos pag nasa Canada na kami wala na dun yung mga toxic na tao. Madali na rin akong makaka-attend ng mga concerts (hindi pa ko nakaka-attend ng concert hanggang ngayon). Last but not the least, siguradong safe dun (naholdap kasi ako sa Makati). Magkakaron na ako ng peace of mind.”
Pero ngayong nasa Canada na kami… ewan.
CANADA
Nung nagtatrabaho na ko dito sa Canada, ang wish ko lang ay:
Makauwi
Gusto ko nang magbakasyon sa Pilipinas. Hindi ko alam kung gusto ko bang bumalik na lang sa Pilipinas at iwanan na tong Canada or baka phase lang to. Hindi ko pa din alam. Pag namimiss ko ang Pilipinas, nalilimutan ko yung mga ayaw ko sa kanya. Yung traffic, yung paranoia na baka maholdap na naman ako, yung sweldo na maliit, yung mga nakakatakot na lindol, mga toxic officemates, yung masikip naming apartment, yan mga naiisip ko off the top of my head. Pag namimiss ko ang Pilipinas, ang naiisip ko mostly ay yung mga magagandang parts. Makakasama ko na ulit ang pamilya at mga kaibigan ko, makakakain na ko ng masarap, may lasa na ang hipon at kasag, walang madulas na snow, walang nakakamatay na weather, magkakaron na ulit kami ng nightlife, hindi ko na poproblemahin kung pano makipag-small talk sa mga puti, yung mga chismisan namin ng mga officemates ko, family and friends ko ulit. Ang hirap talaga ma-kuntento.
Makapag-resign sa boring kong trabaho at maging freelance artist na may sustainable na income
Gusto ko yung ganito. Nasa loob lang ako ng bahay, freelancer. Hawak ko ang oras ko. Pag low batt na yung iPad, magpapahinga muna ako sa pagddrawing at manonood ng tv series. Kaso nga, hindi stable ang income. Baka hindi kami mabuhay dito sa Canada.
Maka-move sa ibang province or sa Australia
Hindi talaga ako ganun kasaya dito sa Winnipeg. Minsan iniisip ko baka dahil homesick lang ako pero parang hindi talaga. Gusto kong mag-try sa ibang lugar. Baka mas dun ko mahanap yung balance. Ang layo kasi masyado ng Canada sa Pilipinas. Kaya iniisip kong mag-move kaya kami sa Australia? Yun ang gusto kong ma-figure out. Hindi naman ako naghahanap ng perfect na lugar, gusto ko lang na mas madami yung positives kesa sa negatives. Dito kasi parang ang dami kong hindi gusto. Sana mahanap ko yun.
So ayun. From Jolina-loving-gusto-ko-nang-magsolo-at-maging-independent to I-feel-miserable-buy-me-a-one-way-ticket-to-Pinas. Nakakatawa lang ang buhay. Dati gustong gusto kong makawala pero ngayon gusto ko nang makabalik. Kung may nagbabasa ng blog ko, i-message nyo nga ako. Do you feel me? Sabagay. Ang boring naman kung laging masaya.
Had a hard time finishing it. It it weren’t for our book club I would have put it down after reading the first few chapters. At first, I didn’t expect that there would be a supernatural element in the story. I think I would’ve enjoyed it better if there wasn’t. This was my first Stephen King novel and while I admire how detailed his storytelling is, sometimes I just can’t keep up. I find myself lost in some, if not most, of the references used in the book. But having said that, I know that this wouldn’t be my last King novel. The way he described those people dying of the super flu was really unsettling; it was very good and effective writing. Those chapters where it was getting close for the main characters to find their way to each other got me excited and gave me the extra push to finish the book.
FAVORITE SCENES:
When Stu faked his coughs while talking to Deitz. Deitz refrained from wearing the space-suit so he panicked when Stu suddenly displayed symptoms. Deitz was always withholding information from Stu so when Deitz asked him why he would pull something like that, Stu repeated Deitz words, “Sorry, that’s classified.” That was a cool move.
Glen Bateman’s superflu aftermath plan: Chill and paint. Then he said to Stu, “There is no one on earth painting better landscapes than Glendon Pequod Bateman, BA, MA, MFA. A cheap ego trip, but mine own.”
FAVORITE QUOTES:
PREFACE
Movies after all, are only an illusion of motion comprised of thousands of still photographs. The imagination, however, moves with its own tidal flow. Films, even the best of them, freeze fiction.
That is not necessarily bad… but it is limiting. The glory of a good tale is that it is limitless and fluid.; a good tale belongs to each reader in its own particular way.
NOVEL
PETER: But you have to remember, Fran, she’s too old to change, but you are getting old enough to understand that.
Structure is a necessary thing.
GLEN: (On dreams) I have always believed they served a simple eliminatory function, and not much more โ that dreams are the psyche’s way of taking a good dump every now and then.
But she suspected it was going to be held over by popular demand inside her head. (A more creative way of saying overthinking)
Well, for one thing, it might mean that all these people here were just an epilogue to the human race, a brief coda. (Tragic)
JUDGE: But you can only be one man. Isn’t that true? LARRY: Yes. JUDGE: And your choice is made? LARRY: Yes. JUDGE: For good? LARRY: Yes, it is. JUDGE: Then live with it.
There was a single final breath, the last of millions. (RIP Mother A)
(Tom’s chapter while spying in the West) They were nice enough people and all, but there wasn’t much love in them. Because they were too busy being afraid. Love didn’t grow very well in a place where there was only fear, just as plants didn’t grow very well in a place where it was always dark.
Sobrang saya ko lang talaga kasi may mga dumating ulit akong clients. Yung isa taga Vienna. Wow sosyal. Nahanap lang daw nya yung IG art account ko sa isa pang IG account. Pag may mga ganitong nagi-inquire, hindi muna ako nae-excite kasi may tendency na hindi sila magpush through pag binigyan ko na sila ng quote. Although masaya pa din kasi naf-flatter ako. Ibig sabihin nagustuhan nila ang mga gawa ko. So etong si Vienna sausage, ang gusto nyang ipagawa is illustration ng superhero na ang cape daw ay banana. Medyo nag-alinlangan ako kasi di ko forte magdrawing especially tao. Although alam kong kakayanin ko naman, nag-doubt pa din ako. Pero in-entertain ko pa din at sinendan ko ng quote. Miraculously, nagpadala na sya ng downpayment. Amaze na amaze na naman ako at tuwang tuwa. Sa isip ko kasi, I’m not worthy. Bakit ako? Eto na nga siguro talaga yung nababasa kong imposter syndrome. Nung una skeptical pa ko dito sa syndrome na to eh pero parang totoo nga sya. Nagkaka mild anxiety ako.
After pa non, may nag-inquire ulit sakin. Actually hindi nga inquiry eh. Ang wording nya is “Magpapagawa kami sayo ng invitation.” hindi “Magkano ang pagawa ng invitation?”. Taga Australia naman. Tsk sosyalin talaga ang mga clients ko. Birthday invitation naman so medyo nasa comfort zone ko. Twice na ko nakagawa ng kiddie invitation so hindi naman masyadong kabado. After ko isend yung quote, binayaran ako agad in full. Grabe talaga sobrang nakaka-overwhelm. Kaya ngayong maghapon, eto lang ang gagawin ko. Ang saya pag ganito everyday. Mabubuhay na ko pwede na ko talaga magresign. Plus gusto ko pa yung ginagawa ko.
Konting life updates: Nakapagrecord na kami ni Nick ng episode 11. The start of season 2. Ayos naman. Tagal ko na naman nageedit. Pero kahit matagal, feeling ko hindi ko kayang ibigay kay Nick yung task ng pag-eedit. Sobrang OC ko kasi. Haha.
Bago pa i-suggest ni Nick, naisip ko na talagang gumawa ng bagong intro outro song. Natuwa naman ako sa result. Parang gusto ko syang buuin parang maging 2-3 minute song. Pero priority ko muna ‘tong commissions ko. May ipapa-ship pa pala kong orders kay Kenneth. Thank you Dany for always patronizing my work! Sya talaga ang unang nagtiwala sakin at si Reagan. Super thankful ako sa binigay nilang confidence sakin. Ngayon mas naha-handle ko na yung overwhelming feelings. Nung una kasi talagang umiyak ako. Ganun pala yun.
O sya. Tanghali na. Dami ko pang gagawin. Kelangan ko na din matapos yung binabasa kong libro para sa book club discussion sa Sunday. Hindi ko alam kung anong mga ipagsasasabi ko dun. Babayu!
Umo-okay okay na ko. Nakakalakad na ko ng maayos, pero medyo dahan-dahan pa din. Yung isang incision ko medyo fresh pa. Tapos may mga sumasakit pa din ng pakonti-konti kaya alalay pa sa paggalaw.
Lugaw forever. With lechon belly ๐
Dinalaw ako ni Sam kahapon. Nakakatawa ngayon lang kami nakapag-meet, lampas 1 year na kami dito sa Winnipeg. Nakakatuwa at nagi-guilty daw sya. Super okay lang naman kasi sobrang busy nya pagaasikaso ng pagiging nurse nya dito. Parang 3 years na daw nya inaasikaso yun grabe. Eh di kwentuhan lang kami ng kwentuhan. Nakakatuwa yung mga kwento nya kasi parang bumalik ako sa mundo ng ospital. Parang napa-reminisce ako ng konti pero tamang ganun na lang. Ayoko pa din mag-nurse.
Tapos sobrang na-motivate akong ituloy yung pag-apply ko sa Graphic Design program. Eto yung full-time student na talaga ko. Hindi yung kinuha ko na part-time program lang. Pag full time, talagang kelangan magre-resign ako tapos 2 years akong estudyante. Recently kasi nagdadalwang isip ako kung itutuloy ko pa ba. Kasi nga insufficient funds (bigla kong naalala yung Red Alert). Pero nung nakausap ko si Sam, dun ko ulit na-realize na kaya naman talaga. May student loan naman tsaka pwedeng suportahan ng government. Although naisip ko pala baka hindi ako ma-approve dun sa loan kasi yung program, iisipin nila na arts arts lang. Pero bahala na. Push ko na talaga. Magpapa-schedule na ko ng CANTest next week. Sana makapasa ako! Kase pag hindi, hindi ako makakapag-apply dun sa program. So yun na lang muna ang first step. Pag di ako nakapasa, no choice. Next intake na lang ulit.
My sister, Tricia. I-drawing ko daw sya.
Netong nakaraang week. May pinanood akong class about digital illustration. So nasa mood akong mag-drawing drawing. Hindi pa ko fully satisfied sa mga ginawa ko pero hayaan na. Hindi naman siguro sobrang pangit.
First attempt
Proud din naman ako kasi hindi ko inexpect na kaya kong mag-drawing ng ganyang cartoon-ish tapos walang gayahan. Fan na ko ng hindi perfectly shaped na tao. Yung tipong hindi talaga match yung proportions. I-eexplore ko pa yung ganung style. Eto yung mga recent inspirations ko: @dianaillustrates at @jaromvogel.
Gusto ko pang mag-drawing kaso kelangan ko nang matapos yung book namin for this month (The Stand by Stephen King). May discussion yung book club namin next week. Kelangan ko nang humabol kasi mga tapos na sila. Babayu!
So inoperahan na naman ako for the 3rd time. Una appendectomy tapos laparoscopy nung endometriosis ko. Same year tong dalwa, 2015. Tapos ngayon, as expected, bumalik yung endometriosis ko so lap nanaman. Kaya nakabasyon ako ngayon ng 2 weeks. Ang daya dito kasi satin sa Pinas, 2 months ang pahinga ko non. Actually medyo looking forward ako dito sa 3rd surgery ko kasi nga bored na bored na ako sa trabaho ko gusto ko munang makawala. Ang dami kong planong gawin sa bakasyon ko pero hindi ko pa fully magawa. Sobrang weak ko pa at nangangalay ako pag hindi ako nakasandal.
8 hrs fasting
Naisipan kong mag-post ulit kasi tinag ako ni Aryan sa story nya. Nasa Japan kasi sya ngayon tapos nag-story sya nung ride sa USJ, yung favorite ko na Space Fantasy. Tas may caption na thank you daw sa blog ko. Ang tinutukoy nya eh yung Japan blog ko kasi nabanggit ko dun na unexpectedly, super nagustuhan ko yung Space Fantasy ride. So binalikan ko yung post ko na yun tapos natatawa ako kase super detailed. Nilagay ko pa dun yung mga pag-aaway namin ni Kenneth kasi naliligaw kami lagi at nung umiyak ako dahil sa collagen. Tapos, napansin ko dun sa mga posts ko, may mga comments from 2017 and 2018 ng mga tao na hindi ko kilala. Nagtatanong sila ng something about sa trip namin sa Japan kasi sila din, papuntang Japan. Natuwa ako kase may nakakadiscover pala ng blog ko at nakakatulong pala sya. Haha. Eto yung isang comment:
Haha sorry Carmel wala akong idea na may makakabasa pala ng blog ko
So na-inspire ulit akong magsulat. And na-miss ko din ilathala ang mga mundane parts ng buhay ko. Sarap din balikan paminsan-minsan.
So inoperahan na nga ako. Nakakatampo lang kasi walang nakaalala sa mga kamag-anak ko. Mas naalala pa nung mga kaibigan ko. Mama ko hindi naalala. Busyng busy sa Korea trip nila. Kaya ang lungkot ko non. Hindi ko na lang masyadong inisip baka ma-stress lang ako, makaapekto pa sa recovery ko. Pero sobrang tampo ako. SOBRA! ๐ค
On the bright side, super thankful ako kay Kenneth. Grabe sobrang maalaga. Nagugulat ako laging areglado ang gamot ko. Sana lagi na lang akong may sakit hindi kami nagaaway at nagkakainisan. Haha. Bukas baka magpabili ako ng Jollibee. Parang kulang ang pagkakasakit pag walang Jollibee.
Lugaw a la Kenneth. The best!
Yung mismong operation ko naman, k lang. Ibang iba nung inoperahan ako satin. Although naka-set na yung expectation ko kaya hindi na ko masyadong nag-expect ng special treatment. Dito kasi, pagka-opera, uuwi na. Hindi ka i-coconfine. Andun na kami ng 6am (2 hrs before the surgery). May isang room dun tapos pinagbihis ako dun ng gown. May binigay sakin na plastic bag para paglagyan ng damit at sapatos ko. Yung mismong operation inabot lang ng 1.5 hrs. Tapos sa recovery room, mga 2 hrs. Nung na-feel nung nurse sa recovery room na “kaya” ko na. Kahit hilo-hilo pa talaga ko at nanghihina at ang sakit pa nung tyan ko from the operation, pinalakad na ko agad. Tapos sabi ni ate, “I think she’ll need a wheelchair.” Wow. May option palang wala? Tapos inabot na sakin yung plastic bag ko at pinagbihis na ko. Walang assist assist ha. Grabe walang awa.
Kachat ko si Aryen, yung friend ko na nurse din. Gulat na gulat na pinauwi ako agad. Naka-general anaesthesia daw ako tapos basta basta lang ganun. Well, matagal na nila tong sistema so wala naman akong magagawa. Talagang hindi lang ako sanay na ganito. Sobrang independent agad. Satin medyo bine-baby pa eh. Sa St. Luke’s pa ko lagi non kaya special treatment talaga. Ilang doctor ang nagrrounds sakin. Pero yun nga, libre kasi dito. Although libre din naman satin kasi may health coverage din naman from the company. Pero dito libre lahat ng Canadians at permanent residents, so almost lahat ng tao. Walang private hospitals dito, lahat government owned. So nag-create sila ng system para ma-accomodate lahat. Yun ang naiisip ko.
Friday ako inoperahan, Monday na ngayon. Wala akong ginawa kundi manood ng movies at series. Throwback Sunday ako kahapon kasi yung mga pinanood ko: Clueless, Wild Child, Matilda at Nanny Mcphee. Tapos nung minsan naman marathon ng Brooklyn 99. Kaya ayan yung title: ya boring. Ang funny at cute cute ni Amy Santiago. Ngayon naman Lucifer ang minamarathon namin. Sana mas productive na ko sa mga susunod na days. Napapagod na kong umupo at humiga. Ang sakit sakit na din ng pwet ko parang magkaka bed sore na ko. Naglalakad lakad naman ako kaso nakakangalay sa likod. Hindi ako makatuwid ng likod sumasakit yung tahi. Tapos parang dumugo pa nung minsan. Ayun.
Paul Rudd. Hihi.
PS:
In a couple of years, possible ulit bumalik yung endometriosis ko kase, that’s just how it is. Bastos kasi tong endometriosis na to eh. I-Google nyo at mababasa nyo na unknown cause, no treatment. Iba din.
Eksaktong 1 year na kami dito sa Canada. August 9 last year, first time kong makapunta sa ibang bansa na hindi Asia. Tapos hindi para magbakasyon, for good na. Sobrang nabibilisan ako. Hindi ko ma-imagine na 1 year na kami agad dito. Pero parang andami na din nangyare. Try kong i-recall:
First snow experience. Minus 50 degrees Celsius! Grabe. Pag yung aircon nga sa office ko dati 24 degrees lamig na lamig na ko. Sabi Manitoba daw ang pinaka-malamig na province sa Canada.
April 2019 kami nag-move out sa tito ko. Okay naman dito sa apartment namin. Matahimik. Nasa tapat lang namin yung bus stop. Buti nandito yung unit namin sa harapan, may view kahit papano. Compared sa dating apartment namin sa Taguig, sobrang laki nitong apartment namin dito para samin. Bukod sa usual na couch at dining area, nakapaglagay pa kami ng dalwang study tables. Tapos balak kong bumili ng piano, yung digital lang para kasya pa din. Pagiipunan ko muna kasi $1.3k din, 50k sa peso.
Cashew and Walnut! May pusa kami dati sa Pilipinas, si Almond. Pero since hindi namin sya madadala dito, kumuha kami ng pusa. Parang hindi na namin kaya na walang alagang pusa. Love na love namin sila. Nung una si Cashew lang. Eh parang feeling ko ang lungkot ni Cashew pag pumapasok kami sa office kaya kumuha pa akong isa. Gusto ko pa nga ng pangatlo, Chestnut ang pangalan. Sabi nila Pistachio naman daw, parang ang haba naman masyado. 5 months pa lang sila pero super laki na, lalo na si Cashew.
WalShew
Nabili ka na yung mirrorless camera na matagal ko nang gusto. Yung Fuji X-T30. Kaso hindi ko pa masyadong magamit. Excited na kong mag-travel para makapag picture-picture na ng kung ano ano. Dito kasi sa Winnipeg parang wala masyadong okay na scenery. Try namin mag-road trip sa weekend pag hindi on call si Kenneth.
Nakabili na kami ng sasakyan. Si Kenneth ang pumili, Rav4 daw. Since wala naman akong alam sa sasakyan, ako ang in charge sa kulay. Silver pinili ko. Tapos ang galing nung plate number kase KGM yung initials, K at G syempre for Kenneth and Glenice tapos yung M, pwedeng Magsusugal or Magkaaway or Mwah. ๐
Nag-enroll ako sa school. Graphic Communications yung name ng program. Part-time program lang sya pero baka next year try ko yung full time. Yun eh kung may budget kami kasi kelangan kong mag-resign nun pag nagkataon. Habang wala pa kaming babies eto muna aatupagin ko. Gusto ko na talagang mag-shift ng career, yung sa gusto ko talaga.
Okay naman ang work. Hindi masyadong mahirap. Pero may kumontak sakin na medyo mas mataas yung offer so may interview ako sa Monday. Clerk yung position tapos sa government. Okay lang sakin kung makuha man ako or hindi kasi ang goal ko naman talaga eh sa graphic design. So kung matanggap man ako, malamang mag-reresign din ako dun. Pero ewan ko, feeling ko matatanggap ako. Haha. Kelangan ko lang galingan sa interview. Bukas ako magp-prepare.
Nagpasimula ako ng Book Club. As of now, merong 50+ members. Bale ang goal is 1 month, 1 book, tapos discussion sa end ng month. Kakastart lang namin ngayong August. Yung book na binabasa namin for August ay yung ‘The Hate U Give’ by Angie Thomas. Tuwang tuwa sila na merong book club kasi yung mga members, sila yung super hilig magbasa dati katulad ko. Tapos nung nagka-work na, nawawalan na ng time. So etong book club yung motivation namin para mag-start ulit sa pagkahilig magbasa.
So far parang yun yung mga highlights. Mag-aaral na ko ulit tapos nood ng Strong Girl Bong-soon or Money Heist.