ELEMENTARY
Nung elementary ako (specifically nung grade 5 and 6) ang wish ko lang ay:
- Maging kasing cool ni Jolina Magdangal
Sobrang idol ko non si Jolina ginagaya ko yung hairstyle at fashion nya.
- Palaguin ang stationery collection ko
Sobrang uso noon samin ang mga stationery. Pagandahan ng stationery tapos susulatan mo yung mga kaibigan mo. Kahit noon ang hilig ko na talaga sa mga paper goods. Kaya nung nadiscover ko yung Papemelroti ang saya saya ko.
- Magka-menstruation
Inis na inis ako non. Kelan ba ko magkaka-menstruation?! Yung mga kaklase ko meron na. Kumbaga sa millennials ngayon: major fomo. Haha. Cool ka pag nagka-period ka na. Eh wala late bloomer ako. First year highschool na ata ako nagkaron.
- Gusto ko lang laging tumambay sa bahay ng bestfriend ko na si May at magkwentuhan tungkol sa mga crush namin sa school at mga crush naming boyband
Ang crush ko noon si Justin Timberlake at si Ben ng A1. Ayoko pang maging highschool nung mga time na yun kasi magkakahiwalay kami ng bestfriend ko. Sa ibang school kasi sya papasok. Pag nagtatanungan kaming mga classmates kung saan papasok ng highschool, iba ibang school yung sinasabi nila. Hindi dun sa school na papasukan ko. So pagdating ng highschool wala akong kakilala.
HIGHSCHOOL
Nung highschool ako, ang wish ko lang ay:
- Tanggalin yung curfew ko at payagan akong mag-inom ng mga magulang ko
Gusto kong tumambay kasama ang barkada ko na hindi ako kukulitin ng Mama na umuwi na. Gusto ko ng madaming adventures nung highschool kaso nga, lagi akong papauwiin ng maaga.
- Bukod sa pagtambay with friends, ang gusto ko lang non ay mabili ko yung mga gusto kong libro sa National Book Store
May time na since wala akong pambili, tatambay ako sa NBS tapos dun ko babasahin yung libro. Kaso hindi ko naman yun matatapos so nabibitin ako pagbabasa.
So may internal monologue na nangyayari sa isip ko, “Pag ako may trabaho na, bibilhin ko to, at ito, at ito. Lahat ng librong gusto ko.” Fast forward na may trabaho na ako at hindi pa uso ang e-books, ang kuripot ko pa din bumili ng libro. So sa Booksale ako madalas pumupunta.


- Gustong gusto kong magka digital camera
Kaya nung niregaluhan ako ng tito ko na nasa UK ng pambili ng digi cam, tuwang tuwa ako. Mahilig kasi akong magpicture ng kahit ano. Yung patay na butiki sa tagiliran ng SM, yung mga kinakalawang na barbwire dun sa damuhan ng isang subdivision, scotch tape, mga sinampay, every single inuman documented, tapos syempre sarili ko. Ang emo ko pa naman dati so very dramatic yung mga shots ko.
Ngayon hindi na ko ganun kahilig magpicture ng very random na mga bagay. Namiss ko yung old self ko na yun. Ngayon parang laging Instagrammable dapat. Kaya siguro ang hilig kong mag-reminisce. Naaalala ko yung mga traits ko noon na gusto kong ibalik at gusto kong dalhin hanggang pagtanda ko.



- Gusto kong maging rockstar
No explanation needed.

COLLEGE
Nung college ako, ang wish ko lang ay ganun din:
- Tanggalin yung curfew ko at payagan akong mag-inom at umuwi ng madaling araw
Inggit na inggit ako sa mga kaklase ko na pinapayagan silang uminom at abutin ng madaling araw paguwi. Sinasabihan ako ng mga kaibigan ko na ang tanda ko na daw, bakit hindi pa din ako pinapayagan uminom? Asa pa naman na payagan ako. So lagi na lang sikreto.

- Magpabutas sa kilay katulad nung kay Amy Lee ng Evanescence
Hindi ko to nagawa. Gawin ko kaya ngayon?
- Ang isa pa pala, gusto kong payagan na akong magboyfriend
Ayaw naman ng Papa. Tandang tanda ko yung laging dialogue ng Papa na, “Pagka graduate mo, pagbabang pagbaba mo ng stage, kahit mag-asawa ka na agad.” Basta wag lang daw habang nagaaral. So ayun, lagi ulit sikreto.
Pero kahit naman bawal uminom, bawal abutin ng madaling araw at bawal magboyfriend, ginawa ko pa din yun lahat. Kaya sobrang sakit ng ulo nila sakin. As in sobra. Dalwang beses akong lumayas sa bahay. Yung isa pala ako na yung pinalayas.
Okay ang grades ko sa school, naging scholar pa nga ako at one point. Yun ang pang-bargain ko sa kanila. Pero pag inabutan ako ng galit ng Papa ko, sasabihin sakin na, “Hindi ko kailangan ng matalinong anak! Ang gusto ko ay sumusunod!”
- Magkaron ng sariling piano
Yung piano kasi nasa bahay ng lola ko. Pwede naman akong magpractice dun kaso, yung pinsan ko na baby pa at that time, naiistorbo ang pagtulog pag nagpa-piano ako. So pagsasabihan ako ng tita ko na hinaan ang pagtugtog. Ang hirap naman ng ganun. So medyo nawalan na ko ng gana.
Internal monologue: “Pag ako nagkabahay, bibili ako ng piano. Hindi pwedeng walang piano.”
- Mas dumami yung wish ko nung college. Wish ko din non na tumira ako sa Maynila.
Lagi akong nagd-daydream na makatira ako sa Maynila. Tapos naiimagine ko na ang ganda ng kwarto ko, hindi makalat. Tapos nakaupo ako sa may bintana habang nagbabasa ng libro or nanonood ng tv series tapos umuulan sa labas. Sobrang comforting nung thought na yun sakin. Parang hot chocolate na may mini marshmallows. Mahilig din kasi akong magbasa ng teen magazine non. Dun ko napipicture yung Manila life kasi nakikita ko dun yung mga featured nilang hangout spots, mga restaurants na wala sa probinsya namin, mga magagandang malls, etc. Parang ang saya sayang tumira sa Manila based dun sa mga magazines na yun.
Internal monologue ko nung college: “Gusto ko nang magsolo sa bahay. Yung walang magsasabi sakin kung anong oras ako dapat umuwi. Yung hindi puro na lang bawal lahat. Pag yun na-achieve ko, sobrang saya ko na. Parang wala na kong hihilingin pa.”

Fast forward na nakatira na ko sa Maynila, na-experience ko na yung mga hangout spots. Natikman ko na yung cookie sa Brother’s Burger na based dun sa teen magazine na nabasa ko, the best cookie daw. Ginupit ko pa yun dun sa magazine tapos dinikit ko sa dingding ng kwarto ko. Na-experience ko nang mag-solo sa apartment habang nagbabasa at umuulan sa labas. Ang sarap talaga. Hanggang ngayon isa pa din yun sa mga favorite kong mangyare. Pero hindi totoo yung, “Wala na kong hihilingin pa.” Ang babaw lang talaga ng mga gusto ko noon.

AFTER COLLEGE
Nung nagtatrabaho na ko (sa Pilipinas muna), ang wish ko lang ay:
- Mabili yung mga gadgets na gusto kong bilhin
Gusto ko nung bagong iPhone, iPad, Macbook Pro. Gusto ko nung Fuji na mirrorless camera.
As of now, meron na ako ng mga ito kaya masaya naman ako. Pero yung saya or yung high, ang bilis lang. Since na-fulfill ko na yung karamihan sa wishlist ko, parang nababawasan na yung spark or yung spice sa buhay. Basta yung parang something na meron kang dine-desire at looking forward ka dun sa araw na mangyayari yun. Pag nawala yun, parang ang meaningless ng buhay. Kailangan ko ng panibagong wishlist and not necessarily materyal na bagay. Dadamihan ko pa para mas masaya.
Internal monologue: “Parang ang hirap maging billionaire katulad ni Kylie Jenner. Kasi pag dumating sa point na madali na lang sakin bumili ng kahit anong gusto ko, parang ang boring na. Kaya tamang millionaire na lang. ASA.”
- Magsugal everyday

Sobrang adik ko sa Texas Hold’em at pusoy dati. Nung nasa Maynila na, level up na. Casino na. Nagkaron pa ng time na pumupunta ko sa casino mag-isa. Buti ngayon tapos na yung phase ko na yun.
- Ma-try yung mga restaurants na magaganda ang reviews
Nagkaron ng time na every week kami sa Ramen Nagi. Sobrang dami naming nakainan na masasarap. Di ko na ma-mention lahat basta ang dami at ang sarap. Ang daming choices. Nakaka-miss kumain ng masarap.
- Makapag-travel every year sa iba ibang lugar
Ang saya na na-experience ko ang Japan, Singapore, Korea, Taiwan at Hong Kong + Macau. Hindi ganun kalaki ang sweldo namin sa Pilipinas pero nakakaipon at nakakatravel kami. Pero ngayong nasa Canada na at lumaki-laki na ang sweldo, anyare?
- Ma-approve yung application namin sa Canada
Internal monologue: “Pag ako nakatira na sa Canada, hindi siguro ako mabobore dun. Ang dami sigurong pwedeng mapuntahan tapos ang sasarap ng pagkain. Mabibili ko na siguro lahat ng gusto kong bilhin tapos ibibili ko ang Mama nung branded na bag na gusto nya tapos ang Papa ibibili ko ng iPad. Makaka-travel kami kung san namin gusto. Tapos pag nasa Canada na kami wala na dun yung mga toxic na tao. Madali na rin akong makaka-attend ng mga concerts (hindi pa ko nakaka-attend ng concert hanggang ngayon). Last but not the least, siguradong safe dun (naholdap kasi ako sa Makati). Magkakaron na ako ng peace of mind.”
Pero ngayong nasa Canada na kami… ewan.
CANADA
Nung nagtatrabaho na ko dito sa Canada, ang wish ko lang ay:
- Makauwi
Gusto ko nang magbakasyon sa Pilipinas. Hindi ko alam kung gusto ko bang bumalik na lang sa Pilipinas at iwanan na tong Canada or baka phase lang to. Hindi ko pa din alam. Pag namimiss ko ang Pilipinas, nalilimutan ko yung mga ayaw ko sa kanya. Yung traffic, yung paranoia na baka maholdap na naman ako, yung sweldo na maliit, yung mga nakakatakot na lindol, mga toxic officemates, yung masikip naming apartment, yan mga naiisip ko off the top of my head. Pag namimiss ko ang Pilipinas, ang naiisip ko mostly ay yung mga magagandang parts. Makakasama ko na ulit ang pamilya at mga kaibigan ko, makakakain na ko ng masarap, may lasa na ang hipon at kasag, walang madulas na snow, walang nakakamatay na weather, magkakaron na ulit kami ng nightlife, hindi ko na poproblemahin kung pano makipag-small talk sa mga puti, yung mga chismisan namin ng mga officemates ko, family and friends ko ulit. Ang hirap talaga ma-kuntento.
- Makapag-resign sa boring kong trabaho at maging freelance artist na may sustainable na income
Gusto ko yung ganito. Nasa loob lang ako ng bahay, freelancer. Hawak ko ang oras ko. Pag low batt na yung iPad, magpapahinga muna ako sa pagddrawing at manonood ng tv series. Kaso nga, hindi stable ang income. Baka hindi kami mabuhay dito sa Canada.
- Maka-move sa ibang province or sa Australia
Hindi talaga ako ganun kasaya dito sa Winnipeg. Minsan iniisip ko baka dahil homesick lang ako pero parang hindi talaga. Gusto kong mag-try sa ibang lugar. Baka mas dun ko mahanap yung balance. Ang layo kasi masyado ng Canada sa Pilipinas. Kaya iniisip kong mag-move kaya kami sa Australia? Yun ang gusto kong ma-figure out. Hindi naman ako naghahanap ng perfect na lugar, gusto ko lang na mas madami yung positives kesa sa negatives. Dito kasi parang ang dami kong hindi gusto. Sana mahanap ko yun.
So ayun. From Jolina-loving-gusto-ko-nang-magsolo-at-maging-independent to I-feel-miserable-buy-me-a-one-way-ticket-to-Pinas. Nakakatawa lang ang buhay. Dati gustong gusto kong makawala pero ngayon gusto ko nang makabalik. Kung may nagbabasa ng blog ko, i-message nyo nga ako. Do you feel me? Sabagay. Ang boring naman kung laging masaya.