
Pagbukas ko ng bintana, bumulagta sakin ang malawak na asul at matingkad na kahel. Sobrang sarap sa pakiramdam. Nakatitig lang ako ng ilang minuto habang nakangiti at nilalanghap ang sandaling ito. Inisa-isa kong tinitigan ang mga punong walang dahon at napansin kong umiindayog sila sa ihip ng hangin na mistulang kumakaway. Hindi maikakaila na panandalian nitong naiibsan ang lumbay at ligalig ng buhay—kahit ilang minuto lang. Salamat sa kamangha-manghang palabas. Sana bukas ulit.
