Nung nagsasalita ang mga kaibigan ng lola ko sa burol nya, nakakatuwang pakinggan yung kasiyahan na binigay nya sa ibang tao. Nakaka-proud na isa ako sa mga apo nya. Ang paulit-ulit na mga salita na nababanggit ay yung words na thoughtful at generous. Hindi ‘to yung basta mag-eenumerate ka lang ng positive words para may masabi lang. Yun na yun talaga ang character ng Mommy.

Nung elementary ako, pag binibigyan nya ko ng pera pangmeryenda, pati kaibigan ko meron din. Kahit nasa ibang bansa na ko—may trabaho at may asawa na—one time nung umuwi ako, nagulat ako na may inaabot sya sakin na envelope. Sabi ko nyek, Mommy wag na. Ay sakin daw yun. Kasi hindi na raw ako nakakapag-Pasko at birthday sa Pilipinas kaya hindi na raw nya ko nareregaluhan. Basta hindi sya pumapayag na hindi ko tatanggapin. Nung binilang ko after, 20k! Sobrang dami pang example. Sya ang punong abala pagpapatahi ng costumes at gowns pag may activity ako sa school. Sya rin ang nag-udyok at nag-finance ng piano lessons ko. Isa sya sa number one na tumulong sa mga magulang ko para makapagtapos ako ng Nursing. Kahit yung pagaasikaso namin pagpunta ditong Canada, naka-assist pa rin sya.
Wala talaga kaming masabi. Sobra-sobra ang binigay nya sa aming lahat, na kahit anong attempt namin, hindi namin kayang matumbasan.
Noong maliit pa ako at lumuluwas kami ng Maynila para dalawin ang tita kong madre, siksikan kami laging dalwa ng Mommy sa passenger seat, habang ang Daddy ay nagda-drive. Ang sarap i-imagine ngayon nung scenario na yun na pinag-gigitnaan ako ng lolo at lola ko. Dun ako sa unahan katabi nila para hindi raw ako mahilo at masuka. Basta lagi kaming magkatabi. Simula bata hanggang paglaki, pag tumatambay kami sa bahay nila, hindi pwedeng hindi ka nya papakainin kahit sabihin mong busog ka pa. Pinagtitimpla nya rin ako lagi ng Milo. Nung medyo nakaangat-angat na, Swiss Miss. Pag inabutan na ako ng gabi sa kanila, lagi nya akong sasabihan na, “Dito ka na matulog.” Nung grade 6 ako at medyo nagdadalaga na, alas-dos ng hapon, pinahiga nya pa rin ako sa tabi nya para mag-siesta habang tinatapik yung pigi ko na parang baby para makatulog ako.
Ang dami pa. Sabi nga ng isa kong tita, forever kang bata sa paningin ng Mommy. Sya na lang ang natitira sa mga lolo at lola ko, at sobrang nakakalungkot ngayon na wala na rin sya.

May CCTV sa burol ng Mommy, at tuwing napapa-focus ako sa kabaong nya, hindi ako makatagal ng tingin. Ang hirap i-process na nandun sya sa loob. Basta ang mali sa pakiramdam na nandun sya at wala na syang buhay. Nahihirapan yung isip ko na tanggapin. Nire-reject ng katawan kong tumingin.
Isang rason kung bakit mahirap maka-adjust kapag may nawala kang mahal sa buhay, ay dahil ramdam na ramdam mo na yung pagmamahal na usual mong natatanggap sa tao na yun, bigla na lang nawala. At yung pagmamahal na yun, hindi kayang matumbasan ng kahit sino. Kasi nagiisa lang naman ang Mommy. Sabi nga ng isa sa mga kaibigan nya, “Siya ay nagbubukod-tangi.” Maliban dun, yung pagmamahal na binibigay mo sa kanya, wala nang mapaglagyan. Nag-eexist yung love, pero para na lang syang lumulutang. Hindi mo na sya maipaparamdam sa kanya kahit kailan. Sobrang sakit at sobrang hirap.

Minsan para medyo mapadali yung nararamdaman ko, iniisip ko na lang ang mga sumusunod:
- Ang Mommy ay nagkaron ng masaya at makabuluhang buhay. Sya mismo ang nagsabi na sobrang happy at grateful nya na umabot sya sa ganung edad.
- Hindi na sya nahihirapan. Isa sa mga sobrang nagpaiyak sakin ay nung binabalikan ko yung vides ng Mommy nung nasa ospital pa sya. Kasi alam kong lumalaban sya pero nahihirapan na sya. Ang sakit isipin na pilit syang lumalaban para samin, pero nung huli, hindi pa rin sapat at hindi na nya talaga kaya. Sorry Mommy 😔
- Ang swerte ko pa rin kasi unlike ng iba nyang mas batang apo, naabutan ng Mommy ang graduation ko, finally ako naman ang nakakapanlibre at nagreregalo sa kanya nung nagkatrabaho na ako, at nandun sila ng Daddy sa kasal ko. Yung mga big milestones sa buhay ko, nandun sila. Sobrang swerte at saya ko sa fact na yun.

Pero minsan hindi pa rin umeepekto yung listahan na ‘to. Minsan kahit anong iwas mo, tumatagos pa rin.
Nung araw ng libing ng Mommy, puno ang simbahan at abot hanggang labas ang mga nakikiramay. Somehow, na-comfort ako na marami kaming pare-pareho ang nararamdaman sa pagkawala ng lola ko. Iba-iba yung levels, pero pare-pareho kaming nagmamahal at nakakamiss sa kanya. Hinding hindi ka namin malilimutan Mommy. Sobrang mami-miss namin ang mga kwento mo, ang pag-aalaga at pagmamahal mo. It will never be the same without you, but I will continue to live my life as if you’re still here. Yung alam ko na matutuwa ka at magiging proud ka pa rin sakin. Mahal na mahal kita.

Discover more from Gleniz da Menace
Subscribe to get the latest posts sent to your email.
